Breaking News

Kumpas ng Musika, Kulay ng Pinta: Unang Hakbang ng Sining Batangueño

Kapag binanggit ang Batangas, agad pumapasok sa isip ang Bulkang Taal, masarap na lomi, matapang na kapeng barako, matutulis na balisong, at mga dalampasigang kahanga-hanga. Ngunit higit pa sa mga likas na yaman at pagkaing kinagigiliwan, unti-unti na ring nabibigyang-pansin ang sining ng mga Batangueño—mga likhang sining na naglalaman ng puso, damdamin, at kasaysayan ng ating lalawigan.

Kaagapay ng ganitong pag-usbong ay ang National Commission for Culture and the Arts o NCCA—ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nakatuon sa pangangalaga, pagpapaunlad, at pagtataguyod ng sining at kulturang Pilipino. Isa sa mga adhikain ng NCCA ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga lokal at nagsisimulang alagad ng sining upang maipamalas sa mas malawak na madla ang kanilang talento. Sa layuning ito, itinayo ang NCCA Gallery—isang espasyong inilaan para sa mga obrang nagmumula sa puso ng bawat artist.

Marami na ang nakapagbahagi ng kanilang sining mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Marami na ring mata ang naantig at pusong nahipo ng mga likha roon. Ngunit ngayong taon, sa kauna-unahang pagkakataon, ay bibida sa gallery na ito ang Art’e Bauan—isang grupo ng mga artist na nag-ugat at naglinang ng kanilang sining dito mismo sa Batangas. Sa kasaysayan ng NCCA Gallery, ngayon pa lamang makikilala at makakapasok ang sining ng mga Batangueño sa prestihiyosong entabladong ito. Isang makasaysayang hakbang ito—patunay na ang sining ng Batangas ay hindi lamang lokal kundi pambansa ang antas.

Para sa taong ito, kanilang ihahandog ang temang “PLAYLIST 4 OPM: Isang Pagdiriwang ng Musikang Pilipino”—isang makabagbag-damdaming art exhibit na sumusuri sa malalim at walang hanggang ugnayan ng musika at biswal na sining. Sa bawat kumpas ng pintura at himig, muling nabubuhay ang mga alaala—isang patunay na ang musika at sining ay matagal nang magkaagapay sa paghubog ng ating kultura. Sa bawat pinta, may tugtog. Sa bawat nota, may kulay. At sa bawat obra, may kwento tayong maipagmamalaki.

Kaya’t mga KaBatang, kung nais ninyong masaksihan ang pagbubukas ng bagong yugto sa sining ng Batangas, inaanyayahan namin kayong dumalaw ngayong Hulyo 2025 sa NCCA Gallery sa Intramuros, Ma nila. Tampok dito ang mga likha ng mga Batangueñong artist na sina:

  • Ada Panopio
  • Batilyo
  • Bill Perez
  • Dhennis Sigua
  • Doy Kastilyo
  • Jerwind Magnaye
  • Jingerly Jardin
  • Joy Bagay
  • Ningning Cuasay
  • Ruby Bagsit
  • Temyong
  • Windsor Magnaye

Ang sining ay hindi lamang palamuti sa mundo—ito’y salamin ng ating damdamin, pagkatao, at pagkakakilanlan. Sa panahong puno ng pagbabago at pagsubok, ang sining ang nagbibigay pag-asa at inspirasyon. At sa bawat gawang Batangueño, muling naipapaalala sa atin kung gaano kayaman, kahusay, at kapusong tunay ang ating pinagmulan.

About Lead Editor

Edison Manalo is the Lead Editor of WOWBatangas.

Check Also

A Taste of Matcha Festival Showcases Matcha Culture and Young Entrepreneurs at The Outlets at LIMA Estate

A Taste of Matcha Festival at The Outlets at LIMA Estate brought wellness, culture, and …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.