Breaking News

Kaya ba nilang gampanan? Masusi at mapanuring paghalal ng mga kandidato ngayong eleksyon 2025

Habang nalalapit ang halalan, muling napupunta sa kamay ng bawat Batangueño ang kapangyarihang magpasiya para sa kinabukasan ng Batangas. Ngunit kaakibat ng kapangyarihang ito ay ang isang mahalagang tungkulin—ang maging mapanuri, matalino, at responsable sa pagboto. Hindi sapat na bumoto lamang; kinakailangan nating unawain ang mga papel na ginagampanan ng mga opisyal na ating iluluklok sa posisyon


Ang pag-unawa sa mga kapangyarihan, tungkulin, at responsibilidad ng gobernador, bise-gobernador, alkalde, bise-alkalde, at mga miyembro ng konseho ay mahalaga upang matiyak na ang mga ihahalal natin ay may sapat na kaalaman, karanasan, at integridad para magsilbi. Ang mga tamang lider ang magdadala ng tunay na pag-unlad at tapat na serbisyo sa mamamayan—hindi lamang mga pangako, kundi mga konkretong aksyon na may positibong epekto sa ating komunidad.

Ang mga sumusunod ay ang mga gampanin, responsibildad at mga kapangyarihan ng mga posisyon mula Gobernador hanggang konsehal:

Gobernador:

  • Pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan.
  • Bantayan ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa na may epekto sa lalawigan.
  • Maglunsad at paigtingin ang pagkakaroon ng kita para sa lalawigan.
  • Maglunsad at paigtingin ang paggamit ng mga yaman para sa mga programa at proyekto na makikinabang ang mga mamamayan.
  • Tiyakin ang paghahatid ng mga batayang serbisyo at ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa mga tao.
  • Bantayan ang pagpapatupad ng planong pangkaunlaran ng lalawigan.

Bise Gobernador

  • Maglingkod bilang tagapangulo ng Sangguniang Panlalawigan.
  • Mag-appoint ng lahat ng opisyal at empleyado ng Sangguniang Panlalawigan maliban na lamang sa mga itinatadhana ng Local Government Code of 1991.
  • Pumalit bilang gobernador sa natitirang taon ng termino sakaling magkaroon ng permanenteng bakante sa posisyon, at magsagawa ng lahat ng kapangyarihan at tungkulin ng punong ehekutibo ng lalawigan.

Board Member/ Bokal

  • Magpasa ng mga ordinansa at resolusyon para maglaan ng pondo para sa mga programa at proyekto ng lalawigan.
  • Magpasa ng taunang at karagdagang mga appropriations para sa pamahalaang panlalawigan.
  • Aprubahan at ipasa ang mga ordinansa at resolusyon na kinakailangan para sa mga gawain ng pamahalaang panlalawigan.
  • Magbigay ng mga prangkisa at aprubahan ang mga permiso at lisensya.

Alkalde

  • Pamahalaan ang lahat ng mga programa, proyekto, serbisyo, at aktibidad ng pamahalaang munisipalidad.
  • Ipatupad ang lahat ng batas at ordinansa na may kinalaman sa pamamahala ng munisipalidad at ang pagsasagawa ng mga kapangyarihan nito bilang korporasyon.
  • Maglunsad at palakasin ang pagkakaroon ng mga yaman at kita ng munisipalidad o lungsod
  • Tiyakin ang paghahatid ng mga batayang serbisyo at ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa mga mamamayan ng lokalidad

Bise Alkalde

  • Manguna sa Sangguniang Bayan at pirmahan ang mga warant na para sa gastusin na itinalaga para sa operasyon nito.
  • Mag-appoint ng mga opisyal at empleyado ng Sangguniang Bayan, maliban na lamang sa mga nakasaad sa Local Government Code.
  • Pumalit sa posisyon ng alkalde ng munisipyo sa kaso ng permanenteng bakante sa posisyon.
  • Gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng alkalde ng munisipyo sa mga pagkakataong may pansamantalang bakante sa posisyon.

Konsehal

  • Aprubahan ang mga ordinansa at ipasa ang mga resolusyon para sa isang epektibo at maayos na pamahalaang munisipal.
  • Maglunsad at paigtingin ang pagkakaroon ng mga yaman at kita para sa mga plano sa kaunlaran, layunin ng mga programa, at mga prayoridad ng munisipalidad.
  • Magbigay ng mga prangkisa, magpasa ng mga ordinansa na nagpapahintulot sa pag-isyu ng mga permiso o lisensya, at magpasa ng mga ordinansa na nagtatakda ng mga buwis, bayarin, at singil.
  • Iregulate ang mga aktibidad na may kinalaman sa paggamit ng lupa, mga gusali, at mga istruktura sa loob ng munisipalidad.
  • Aprubahan ang mga ordinansa na tinitiyak ang maayos at epektibong paghahatid ng mga batayang serbisyo at pasilidad.

Bilang mga botante, may tungkulin tayong alamin kung ang mga kandidato ay karapat-dapat, may malasakit sa tao, at may kakayahang ipatupad ang mga batas, proyekto, at programang makabubuti sa nakararami. Ang ating boto ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa hinaharap ng ating mga anak at susunod na henerasyon.


Ang pagboto ay hindi isang simpleng gawain—ito ay isang desisyong may matinding epekto sa pamumuhay ng bawat Batangueño. Kaya’t sa darating na halalan, piliin ang karapat-dapat. Maging isang mapanuring botante. Dahil ang isang boto mula sa isang may alam at may pakialam ay maaaring maging simula ng tunay na pag-unlad.

References:

Local Government Code of 1991

Rappler.com

About Joel James Cubillas

Check Also

Active Group Holds Inaugural Groundbreaking Ceremony for Town and Country Rosario in Bagong Pook, Rosario, Batangas

Rosario, Batangas — In a significant milestone for local development, Active Group, one of the …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.