
“Wala kang mararating sa art!”
Nakakalungkot mang isipin, ngunit marami pa rin ang nangmamaliit sa sining. Para sa ilan, walang patutunguhan ang sinumang pipili ng landas na ito. Ngunit hindi maikakailang malaki ang naging papel ng sining sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Ayon sa mga historyador, ang mga sinaunang obra ang nagsilbing gabay sa pag-unawa natin kung paano namuhay ang mga Pilipino noon—ang kanilang gawi, paniniwala, at kultura. Kung tutuusin, hindi magiging ganap ang paglalatag ng ating kasaysayan kung wala ang mga likhang-sining na nagsilbing salamin ng ating nakaraan.
Dahil dito, isinagawa ng BINTANA Batangas Gallery of Fine Arts ang isang serye ng mga art exhibit na layuning ipamalas ang galing ng mga lokal na alagad ng sining sa Batangas at bigyang-pansin ang kahalagahan ng kanilang mga likha. Ayon sa organisasyon, hindi lamang ito para sa pagbibigay ng oportunidad sa mga artist na maibenta ang kanilang obra, kundi upang mabigyan din sila ng espasyong maipakita ang kanilang talento—isang hakbang na nagpapalakas sa kanilang kumpiyansa bilang mga manlilikha.






































Nagsimula ito noong nakaraang taon, at ngayong Hulyo 9, 2025, muling isinagawa ang ikatlong art exhibit na pinamagatang “KASARINLAN: Mga Kwento ng Bayan Ko”, na ginanap sa Lima Park Showroom. Para sa art exhibit ngayong taon, inimbitahan ang mga miyembro ng Batangueñong Grupo sa Sining at Kultura (BAGSIK) upang ibahagi ang kanilang mga obra na nagpapakita ng mga pagsubok, kwento, at tibay ng diwang Pilipino.
Kabilang sa mga tampok na artist ay ilan sa mga batikang Batangueño tulad nina:
- Remo Valenton
- Edwin Barrion
- Robinson Esteba
- Eric Punzalan
- Bill Perez
- King Villena
- Ronilo Francisco Jr.
- Mary Derielle Perillo
Ngunit sa gitna ng mga beterano ay nariyan rin ang bagong henerasyon ng mga batang artist na unti-unting sumusulpot sa larangan ng sining—sina Mary Derielle Perillo, 17 taong gulang at nagtapos mula sa FIDELIS Arts and Design, at si King Villena, 19 taong gulang.
Bagama’t bata pa, ang kanilang talento sa paglikha ay tunay na kahanga-hanga. Sa katunayan, si King ay nakamit na ang kampeonato sa Suseong-gu International Youth Art Exhibition. Samantala, si Mary ang pinakabatang kasapi ng BAGSIK, at noong nakaraang taon ay tumulong pa sa pagsasaayos ng mga obra sa BINTANA Gallery.
“It is a great and wonderful opportunity for us to be in this kind of exhibit,” saad ni Mary.
“It gives us a space for exposure and a room to learn more and grow more from our fellow artists na nasa exhibit,” dagdag pa niya.
Para sa mga artist na lumalahok sa mga exhibit ng BINTANA Gallery, napakahalaga ng ganitong mga pagkakataon. Dito, damang-dama nila ang pagpapahalaga sa kanilang sining—hindi lamang sa kanilang mga gawa, kundi sa kanila mismo bilang mga manlilikha.
At para sa bawat Batangueño, nawa’y magsilbing paalala ito na ang sining ay hindi lamang libangan o palamuti sa lipunan. Isa itong makapangyarihang paraan ng pagkwento—ng ating kasaysayan, ng ating pakikibaka, ng ating pagkatao. Sa bawat guhit ng brush at kulay ng pintura ay naroroon ang puso ng isang Pilipino na lumalaban, nangangarap, at nagpupunyagi. Kung patuloy nating susuportahan ang mga lokal na alagad ng sining, hindi lamang natin pinagyayaman ang kultura, kundi binibigyan din natin ng boses ang mga kwento ng ating bayan.
Ang sining ay di lang para sa mga pintor. Ito ay para sa lahat—para sa bayan.
“He who works with his hands is a laborer. He who works with his hands and his head is a craftsman. He who works with his hands and his head and his heart is an artist.” – St. Francis of Assisi
📸 John Carlo Maniaga
✍ Joshua Roldan
WOWBatangas.com Your Source of Great News and Stories from the Province of Batangas, Philippines