Sa Tagaytay City at hindi na sa Brgy. Pagkilatan, Batangas City itatayo ang Monte Maria Shrine. Isa ito sa pinakamalaking proyektong panrelihiyon na dapat sana’y dito sa Batangas itatayo. Ang Monte Maria Shrine ay sinasabing higit na malaki pa sa Statue of Liberty sa New York City.
PRESS RELEASE
February 16, 2010
Public Information Office
Idinaos ng kilalang healing priest na si Fr. Fernando Suarez ang kanyang huling Banal na Misa sa Monte Maria noong February 14 sabay ang kanyang malungkot na pagpapahayag na hindi na matutuloy ang Marian Shrine sa Pagkilatan, Batangas City at ililipat na sa Tagaytay City.
Ayon kay Fr. Suarez, hindi sapat ang limang ektaryang lupa na pagtatayuan sana ng proyektong ito sapagkat kailangang tugunan ang pangangailangan ng napakalaking dami ng taong inaasahang dadagsa dito sa oras na matapos ang proyekto. Isa sa mga kailangan dito aniya ay ang malawak na parking space upang maging ligtas at maayos ang sitwasyon ng mga bisita rito.
Dahilan dito aniya, kailangang bumili ng karagdagang lote para sa proyekto subalit sa kanilang paghahanap, sila ay nabiglang malaman na tumaas agad ng P6,000-P9,000 kada metro kwadrado ang halaga ng lupa sa naturang barangay. Ayon sa mga nakakaalam sa lupa, dating P50.00 lang bawat square meter ang halaga ng lupa sa coastal barangay na ito.
Dahilan sa sobrang mahal ng lupa sinabi ni Fr. Suarez na hindi nila kayang bayaran ang presyo na hinihingi ng may-ari. Masakit rin aniya na nagagamit ang proyekto sa biglang pagtaas ng presyo ng lupa sa naturang barangay.
Sinabi ni Suarez na ang desisyong ito na lumipat sa ibang lugar ay narating matapos ang napakahabang pagpupulong noong February 1 sa pagitan ng grupo ni Cong. Dodo Mandanas, na siyang may–ari ng limang ektaryang lupa na tinatayuan ng proyekto sa Pagkilatan, Arch. Ramon Arguelles at mga kaparian mula sa Diocese of Lipa at members at board of directors ng Mary Mother of the Poor Foundation na siyang namamahala ng Monte Maria Project.
Nagkaroon ng tatlong “premises” sa pagpupulong na ito. Ang una ay ibibigay lang ni Cong. Mandanas ang limang ektaryang lupa kung magtatayo ng Mama Mary Shrine ang Arsidayosis ng Lipa. Ang ikalawang kondisyon ayon kay Arch. Arguelles ay papayag sila kung maipapangako ni Fr. Suarez ang pagtatayo ng Shrine at ang pangatlo, hindi ito maipangako ni Fr. Suarez dahil kailangang konsultahin ang foundation.
Ayon kay Fr. Suarez, hindi niya akalain na aabot sa ganitong puntos ang desisyon. Aniya, kahit siya ay pari, wala siyang kapangyarihan na mapanatili ang proyekto sa barangay Pagkilatan lalo pa nga’t napamahal na sa kanya ang mga residente nito.
Tiniyak naman niya na mananatili ang Sto. Nino Shrine na pagdarausan ng misa at ipagpapatuloy ang mga proyekto ng foundation para sa mga mahihirap tulad ng livelihood, feeding, scholarship at iba pa.
Ipinaabot rin ni Suarez ang pasasalamat sa lahat na naging bahagi ng proyektong ito na sinimulang itayo noong 2007.
Aniya ang kanyang susunod na misa ay sa Tagaytay na ipagdiriwang sa March 13 at 14. Samantala, sa session ng Sangguniang Panlungsod kahapon, sinabi ni Councilor Marvey Marino na suportado ni Mayor ang proyekto, at ito ay mapapatunayan sa records ng City Engineer’s Office na nagbigay ito ng building permit para sa konstruksyon kahit kulang sa mga requirements. Dahilan rin sa coordination ni Mayor Dimacuha sa Meralco, kaagad ding nakabitan ng kuryente ang site ng proyekto.
Aniya, mismong ang punonglungsod ay gustong isulong ang proyekto dito hindi lamang para sa mga relihiyoso at mamayan ng lungsod kundi sa labis na benepisyong idudulot nito sa turismo at job opportunities. Binigyang diin din ni Mariño na ang paglipat ng proyekto sa Tagaytay City ay hindi dapat aniya mahaluhan ito ng pulitika. (Marie V. Lualhati, PIO Batangas City)
Technorati Tags: monte maria shrine, brgy pagkilatan, batangas city, cong. dodo mandanas, fr. fernando suarez, tagaytay city, shrine of monte maria, mary mother of the poor foundation, archdiocese of lipa, archbishop ramon arguelles



Pingback: The Exodus of Monte Maria From Matuko Point « Reading Politics